Friday, December 12, 2008

'NATAGPUAN KA NA BA NI HESUS' -- The tract given to the attenders of the Joint-Bible-Study held last Dec.13

‘Sa ating panahon ngayon, mas maraming naniniwala na si Hesus ang naliligaw… kaysa tayong mga makasalanan.’


ISANG MENSAHE PARA SA MGA TAGA-CUBAO:


Si Ermin Garcia, na kilala nating isang kalye dito sa Cubao, ay isang manunulat noong dekada ’60 na pinaslang sa kanyang opisina sa Dagupan ng dalawang armadong lalaki. Siya’y binalaan ng huwag magsulat patungkol sa isang korapsyon na kaugnay sa isang pulitiko, bago pa tumama ang tatlong bala sa kanyang katawan. Sa isang gawain upang parangalan ang kanyang pagkamatay, binasa ang kanyang mensahe: ‘Maikli ang buhay. Huwag sayangin sa isang makasariling kababawan.’ (‘Life is short. Don’t waste it in selfish mediocrity.’)


Ito rin, kaibigan, ang mensahe sa atin ngayon lalo na kung ang isyu ay patungkol sa maka-Diyos na bagay. Maaring ikaw ay hindi naniniwalang walang Diyos, tulad ng pagkakamali ng iba. Maaring hindi ka naniniwala na ang kasaysayan ni Hesus ay isang alamat lamang, tulad ng ibang mga nagpaparatang sa Kanya. Sa madaling-salita, ikaw ang taong naniniwalang may Diyos, naniniwalang si Hesus ay totoong ipinanganak sa isang sabsaban, ngunit may usapin kang hindi pa rin maipagkasundo sa iyong isip.


Kung hinahanap mo ang akin ring hinahanap, at sinasaliksik mo ang akin ring sinasaliksik, at ‘di mo alam kung saan ka pupunta at lalapit, magkasundo tayo sa isang realidad: kailangan natin ng isang gabay na mapag-kakatiwalaan.


Mayaman sa kasaysayan ang ating sinilangang bayan. Dumating sa atin ang iba’t-ibang bansa at relihiyon, kasabay ang pagpasok ng modernong buhay sa isang makabagong panahon. Ngunit sa kabila nito, dapat nating malaman na mayroon pa ring aklat na laging bago sa kanyang mensaheng hatid sa bawat isa. Ito ay ang Biblia – ang salita ng Diyos na walang pagkakamali. Mula rito ay nagkaroon ng tunay na Cristiyanismo at tunay na gabay sa paksa natin. Kung pareho tayong magpapakababa, narito ang sagot sa pinaka-importante nating tanong at solusyon sa pinakamalaki nating problema:

Paano tayo mapapatawad ng Diyos sa ating kasalanan gayong Siya ay isang Hukom na matuwid at may mataas na pamantayan sa tao?


‘Problema ba yan,’ sabi ng iba. ‘Hindi yan ang isyu sa akin.’ Isipin mo ito sandali. Kung mayroong isang babae na may 10 pilak at lalaking may 100 tupa at ama na may 2 anak at isa sa mga iyon ay nawala, anong gagawin nila? Kung may 3 kang anak at dalawang araw ng hindi pa umuuwi sa bahay ang isa, maghahanap ka ba? Parang ganyan ang problema natin sa harapan ng Diyos. Tayo ay naliligaw. Sa halimbawa ng Biblia sa paksang ito, ipinakita na ang isang pilak, ang isang tupa at ang isang nawawalang anak ay importante, na siyang naglalarawan ng tunay nating kalagayan. Kaya’t bilang salamin ng ating pagkaligaw, hindi anghel o taong nilalang ang kailangan natin. Kundi si Hesus. Tayo’y nagkanya-kanya ng daan sa ating paglayo sa Diyos (Isaias 53:6). Ito ang ‘kasalanan’: isang kondisyon, isang kalagayan, o puede rin nating sabihin, isang situasyon. Naliligaw at tumalikod.


Bakit pa nga ba sinabi ni Hesus na ‘sapagkat ang Anak ng Tao ay dumating upang hanapin at iligtas ang nawala’ (Lukas 19:10), kung wala namang makitang problema sa atin? At bakit pa sinabi ni Hesus, ‘gayundin, sinasabi ko sa inyo, may kagalakan sa harapan ng mga anghel ng Diyos dahil sa isang makasalanang nagsisisi’ (Lukas 15:10), kung mabuti naman ang ating espiritual na kalagayan? Hindi natin nakikita na malayo tayo sa Panginoon sa simpleng kadahilanan na tayo ay makasalanan. Mabuti ang pagkalikha sa atin ngunit dahil sa kasalanan, tayo ay naligaw. Hindi na natin namamalayang may kapahamakang naghihintay.


Kaya’t ang sagot ay si Hesus, kaibigan. Si Hesus lamang! Ang pag-ibig ng Diyos sa pamamagitan Niya ang dahilan ng pagpapatawad sa mga hindi karapat-dapat, sa mga makasalanan. Hindi para sa mga matutuwid na, hindi para sa mga walang kailangan ng Kanyang buong tulong! Nakakatakot, kung nakasandal ka sa iyong mga mabubuting gawa para mapatawad ng Diyos! Nakakatakot, kung nilabag mo ang Kanyang Sampung Utos at inaakala mong ayos lang ang buhay, tuloy-tuloy hanggang langit! Sa pananampalataya lamang sa alok ni Hesus, mapapanumbalik ka sa Diyos ng may pagsisisi. Ano ang manampalataya? Ito ay ang pagbibigay ng buong pagtitiwala kay Hesus at sa Kanyang ginawang sakripisyo sa Krus.


‘Hindi lamang basta naawa sa atin ang Diyos mula sa langit. Bagkus, bumaba siya sa mundo, naging tao, namatay, at nabuhay muli. Ngunit ang tanong, kaibigan, kailangan mo ba Siya?’


Sabi ng marami, ‘hindi ba’t maraming daan patungo sa Diyos?’ Alalahanin mong Siya lang, ‘sapagkat ang Anak ng Tao ay dumating upang hanapin at iligtas ang nawala’ (Lukas 19:10). ‘Hindi ba’t sapat na ang isa o ilang Cristiyanong seremonya para mahugasan sa aking kasalanan?’ Hindi kaibigan, sapagkat ‘sinasabi ko sa inyo, may kagalakan sa harapan ng mga anghel ng Diyos dahil sa isang makasalanang nagsisisi’ (Lukas 15:10). ‘Ngunit hindi ako kasing-sama ng iba!’, pero bakit ‘noon, ang mga maniningil ng buwis at mga makasalanan ay lumalapit sa kanya (Hesus) upang makinig’ (Lukas 15:1). ‘Ngunit mas ginaganap ko naman ang aking mga tungkulin sa simbahan kaysa sa iba’ pero nagsalaysay rin si Hesus ‘sa ilan na nagtitiwala sa kanilang sarili, na sila’y matuwid at hinahamak ang iba’ (Lukas 18:9).


Lahat tayo ay naliligaw sa ating mga pagmamatuwid. Tayong lahat ay nawawala dahil sa ating mga kalikuan. Kaya bumalik tayo sa tunay na ugat ng Cristiyanismo – si HesusCristo. Ang paggawa ng mabuti, ang pag-iwas sa masama ay bunga ng isang tunay na pananampalataya kay Hesus. Tulad ng Kanyang sinabi, magiging tulad tayo ng isang ‘mabuting lupa na pagkatapos marinig ang salita, ay iningatan ito sa isang tapat at mabuting puso at nagbubunga na may pagtitiyaga’ (Lukas 8:15).


Naliligaw ka rin ba?


Tandaan na wala tayong kontribusyon upang mapawalang-sala. Wala tayong maidadagdag sa kabayaran ng ating mga utang. Maraming mabubuting tao sa mundo at hindi yan ikinakaila. Ngunit sila man ay hindi papasa sa pamantayan ng Diyos sapagkat napakataas nito. ‘Ni hindi tayo parte ng solusyon, kabilang tayo sa problema.


‘Hindi hinahanap ni Hesus ang mga naghahanap sa Kanya, kung paanong hindi Niya tinutulungan ang makasalanang nakikipag-tulungan sa Kanya! Sapagkat, ‘Wala ni isang humahanap sa Diyos,’ wala ni isa (Roma 4:11).


Biyaya ang mapatawad, kaibigan. Hindi sa ating kaparaanan o kasipagan bagkus ang matagpuan ni Hesus ay isang gawa ng Diyos. ’Nagsasaliksik ka ba? May pag-asa pa ba? Sabi ng marami, ‘Marami akong oras para diyan.’ Tama sila. Maraming nakalaang oras para isang taong naliligaw, ngunit hindi sapat para matagpuan at makilala si Hesus. ‘Maikli ang buhay. Huwag sayangin sa isang makasariling kababawan.’ Kailangan natin ng isang mensahe na magsasabi sa atin ‘wala ng akong oras’, ngunit salamat sa Diyos ‘ang Anak ng Tao ay dumating upang hanapin at iligtas ang nawala’ (Lukas 19:10).


CUBAO

REFORMED

BAPTIST

CHURCH


CUBAO

REFORMED

BAPTIST

CHURCH

21, 23 Harvard St.,

Cubao, Quezon City,

438-4681; 911-0626

Sunday School – 9:00-10:00

Morning Service – 10:30-12:00

Afternoon Service – 4:00-5:30

Prayer Meeting – 6:30-8:00

Website: www.cubaorbc.org